Archive for April, 2009

Vantage Point

Monday, April 13th, 2009

Malamig… Tagos sa buto ang lamig… Ngunit mainit ang laman… Mainit ang hininga ng buhay… Summer sa Baguio… Maganda ang tanawin… Makukulay na pinturang gumuguhit sa iba’t ibang kultura… Mga istruktura at pigurang hinugis ng panahon… Mas maaappreciate mo pala talaga ang kagandahan ng isang bagay kapag hindi ka na bulag sa katotohanan…

            “Masarap mabuhay… Napakasarap ng buhay…” Nakakatuwang isipin na sa dinamidami ng nagrereklamo sa buhay ay may makikilala kang taong positibo ang pananaw. Madaming gustong magpakamatay sapagkat napakahirap daw mabuhay. Napakakomplikado ng buhay sabi ng nakararami. At iyon din ang paniniwala ko dati. Pero nasa tao lang pala ‘yun kung gusto niyang gawing komplikado ang buhay niya. May konsepto ng choice. Napaisip ako nang marinig ko ang opinyon ng isang taong hindi ko inakalang makakapagsalita ng ganoon. Hindi siya sang-ayon sa konsepto ng family planning. Gusto niya ng maraming anak. Hindi dahil masarap makipag-sex kundi nais daw niyang makatulong sa lipunan. Baka nga naman sa genes niya manggaling ang sunod na pag-asa ng bayan. Magaling siya. Parang biro lang ang lahat ngunit nabago niya ang negatibong pagtingin ko sa buhay. Napag-alaman kong hindi ko pa pala alam ang totoong kahulugan at esensya ng buhay. Madalas kong tanungin dati kung bakit pa ba ko pinanganak sa mundong ito e napakahirap mabuhay. Wala na kasi dapat ako kung hindi lang nakunan si Mama. Lagi kong naiisip dati na sana si Kuya Errol na lang ang ipinanganak hindi ako para hindi na ako mahirapan. Ano ba kasing misyon ko? Sabay buntong-hininga. Magulo at nakakatakot ang mundo. Iyon ang nakikita ko noon. Pero may konsepto pala talaga ng paraiso sa totoong buhay. J

Visions of Paradise

Thursday, April 2nd, 2009

Liwanag… Nakakasilaw na liwanag… Nakakatawang pagmulat ng mata ko at habang nagtatanggal ako ng muta ay literal na dumudugo ang ilong ko… Hindi kineri ang powers ng liwanag… Wahahaha…  Sinulat este tinype ko ito para ipakilala ‘yung AKO… Hindi mala-Bb Gandanghari ha… Hindi pa patay si Zarah… Buhay na buhay siya… At natutuwa akong hindi pa siya tuluyang kinain ng dilim… J

            Nung una pinagiisipan ko kung isasalin ko ba sa Ingles ang kontekstong ito. Pero ayoko nang bumaha ng dugo. Baka patuloy lang akong ma-nosebleed. At isa pa, ayokong magpanggap na marunong. Sa loob ng labimpitong taon ay pinaniwala ko ang sarili ko na matalino ako. Ngayon napag-alaman ko na ang mga baliw ang totoong henyo. Ako ay isang mangmang.

            Kung sa bagay lahat naman tayo ay may kabaliwan. Mas baliw nga lang ‘yung mga hindi nalalamang baliw sila. Ako ay isang baliw. At nais kong manatiling baliw sapagkat dito ko natagpuan ang totoong kalayaan. Ito ang natutunan ko kay Zedka, Mari, Eduard at Veronika. Kung hindi niyo pa sila kilala ay hanapin niyo si Coelho.

            Mga palakpak… Mga papuri… Paghanga… Dito ko ginugol ang nakaraang buhay ko. Isang aktres sa sariling entablado. Gumagalaw sa saliw ng mga eksenang mapagpanggap. At ang direktor? Ang alta sosyedad… Unti-unti nilang binuo ang idealidad ng perpektong larawan na pilit kong inaabot. Nakakahingal. Nakakapagod. Mas mataas pa sa Mount Everest ang gusto nilang marating ko. Ito ang gusto nila. Ito ang dinidikta nilang dapat maging AKO.

            Ilang medalya na nga ba ang sinabit sa leeg ko? Nakakasakal na eh. Napakabigat. Maaaring madalas akong ngumingiti sa tagumpay, ngunit panandalian lamang ang lahat. Sa kabila ng lahat ng mga karangalang natamo ko, sa katapusan ng araw, alam kong hindi ako totoong masaya. Nagsuot ako ng maskara para hindi nila makita ang kahinaan ko. Napakaganda ng lahat. Akala nila perpekto. Subalit alam kong sa loob ko, malaki ang pagkukulang. Natakot akong baka hindi na nila ko magustuhan kapag nalaman nila ang totoo. Oo, duwag ako. Takot akong magkamali. Takot akong hindi magawa ang gusto ng iba. Hindi ko namalayang pinaparusahan ko na pala ang sarili ko. Muntik na akong mamatay. Muntik na.

            Ilang taon ang hinintay ko para makita ko ang butas na ito. Ilang dimensyon ang pinasok ko sa paghahanap sa nawawalang ako. Pero natagpuan ko na siya. Alam kong mahihirapan akong baguhin ang nakasanayan na. Hindi ko din alam kung anong magiging reaksyon ng iba sa totoong ako. Pero wala na kong pakialam sa iisipin ng iba. Ako ang higit na nakakakilala sa sarili ko. At hindi ko na ito muling iiwan pa para lang abutin ang ekspektaksyon ng iba sa akin. Hindi ko na ulit hahayaang kontrolin ako. Mabubuhay ako sa paraang gusto ko hindi sa paraang gusto ng iba para sa akin. Hindi na ako puppet. Malaya na ako. Tunay na malaya. J