Visions of Paradise
Liwanag… Nakakasilaw na liwanag… Nakakatawang pagmulat ng mata ko at habang nagtatanggal ako ng muta ay literal na dumudugo ang ilong ko… Hindi kineri ang powers ng liwanag… Wahahaha… Sinulat este tinype ko ito para ipakilala ‘yung AKO… Hindi mala-Bb Gandanghari ha… Hindi pa patay si Zarah… Buhay na buhay siya… At natutuwa akong hindi pa siya tuluyang kinain ng dilim… J
Nung una pinagiisipan ko kung isasalin ko ba sa Ingles ang kontekstong ito. Pero ayoko nang bumaha ng dugo. Baka patuloy lang akong ma-nosebleed. At isa pa, ayokong magpanggap na marunong. Sa loob ng labimpitong taon ay pinaniwala ko ang sarili ko na matalino ako. Ngayon napag-alaman ko na ang mga baliw ang totoong henyo. Ako ay isang mangmang.
Kung sa bagay lahat naman tayo ay may kabaliwan. Mas baliw nga lang ‘yung mga hindi nalalamang baliw sila. Ako ay isang baliw. At nais kong manatiling baliw sapagkat dito ko natagpuan ang totoong kalayaan. Ito ang natutunan ko kay Zedka, Mari, Eduard at Veronika. Kung hindi niyo pa sila kilala ay hanapin niyo si Coelho.
Mga palakpak… Mga papuri… Paghanga… Dito ko ginugol ang nakaraang buhay ko. Isang aktres sa sariling entablado. Gumagalaw sa saliw ng mga eksenang mapagpanggap. At ang direktor? Ang alta sosyedad… Unti-unti nilang binuo ang idealidad ng perpektong larawan na pilit kong inaabot. Nakakahingal. Nakakapagod. Mas mataas pa sa Mount Everest ang gusto nilang marating ko. Ito ang gusto nila. Ito ang dinidikta nilang dapat maging AKO.
Ilang medalya na nga ba ang sinabit sa leeg ko? Nakakasakal na eh. Napakabigat. Maaaring madalas akong ngumingiti sa tagumpay, ngunit panandalian lamang ang lahat. Sa kabila ng lahat ng mga karangalang natamo ko, sa katapusan ng araw, alam kong hindi ako totoong masaya. Nagsuot ako ng maskara para hindi nila makita ang kahinaan ko. Napakaganda ng lahat. Akala nila perpekto. Subalit alam kong sa loob ko, malaki ang pagkukulang. Natakot akong baka hindi na nila ko magustuhan kapag nalaman nila ang totoo. Oo, duwag ako. Takot akong magkamali. Takot akong hindi magawa ang gusto ng iba. Hindi ko namalayang pinaparusahan ko na pala ang sarili ko. Muntik na akong mamatay. Muntik na.
Ilang taon ang hinintay ko para makita ko ang butas na ito. Ilang dimensyon ang pinasok ko sa paghahanap sa nawawalang ako. Pero natagpuan ko na siya. Alam kong mahihirapan akong baguhin ang nakasanayan na. Hindi ko din alam kung anong magiging reaksyon ng iba sa totoong ako. Pero wala na kong pakialam sa iisipin ng iba. Ako ang higit na nakakakilala sa sarili ko. At hindi ko na ito muling iiwan pa para lang abutin ang ekspektaksyon ng iba sa akin. Hindi ko na ulit hahayaang kontrolin ako. Mabubuhay ako sa paraang gusto ko hindi sa paraang gusto ng iba para sa akin. Hindi na ako puppet. Malaya na ako. Tunay na malaya. J