Ryuugan: A Hidden Eye in Chasm

Boredom… Isang nakakamatay na salita… Ngayon alam ko na kung bakit nakakamatay ang magpakalunod sa boredom sa bahay. Mas madami kang nakikita. Binabalikan ka ng nakaraan at binabalaan ka ng hinaharap. Tapos makikita mo pa ang iba’t ibang uri ng halimaw na gusto kang kainin. Akala ko makakaligtas na ko sa boredom sa panunuod ng anime na tenjou tenge. Pero lalo lang nabuksan ang mga mata  ko.

            Halimaw. Oo, halimaw. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang halimaw na nananahan sa karimlan sa kaibuturan ng ating pagkatao. Itago na lamang natin siya sa pangalang TAKOT. Ikaw, nakilala mo na ba takot mo? O ayaw mo siyang makita? Wag. Mas mabuting alam mo kung saan siya susunod na aatake. Para makapaghanda ka. Hindi ito kasingsimple ng iniisip ng iba. Isang matinding laban ang dapat mong harapin. Isang laban sa isang parte ng sarili mo. Sa palagay ko’y ito ang pinakamahirap na laban sa lahat. Sapagkat ikaw lang ang makagagawa ng sariling gamot na pupuksa sa halimaw na ito. Madami ng nabigo. Sana hindi na tayo matulad sa kanila.

            Nakakatuwa lang isiping may mga tao pa ding nananatili sa tabi mo sa kabila ng posibilidad na masaksihan nila ang paglabas ng halimaw mo. Kamangha-mangha ang sandata nila. Pagmamahal daw ang tawag dun. Ang init ng kanilang mga yakap ay parang isang baluting bumabalot sa aking hubad na katawan. Ngunit kung minsan ay hindi maiwasang mahiwa sila ng pangil ng halimaw. Hindi maiwasang masaktan ko sila. Nakilala ko tuloy ang isa pang halimaw. Hindi na ‘yung takot na masaktan ako kundi ‘yung takot na makasakit ng mga mahal ko. As much as I wanted to protect them lalo lang silang nasasaktan. Minsan naisip ko ng lumayo. Pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang mag-isa. ‘Yan ang isa ko pang takot. Naiimagine niyo na ba kung gaano kadaming halimaw ang pwedeng kumain sa’yo? Ang kailangan mong labanan? Magkakamag-anak silang lahat. Sanga-sanga. At hanggang ngayon hindi pa ganun kalinaw sa akin ang ninuno nilang lahat. Maaaring galit, inggit, lungkot at marami pang iba.

            Martir nga ba ang magmahal? ‘Yung tipong kahit masaktan ka na hindi mo kayang iwan ‘yung taong mahal mo. ‘Yung kahit ikaw na ‘yung nasasaktan at agrabyado, hindi mo siya matiis. Basta masaya siya masaya ka na din. Kahit sa loob mo ang sakit sakit na. Kahit napapagod ka na hindi mo siya maisuko. Ganyan ata talaga eh. Choice mo yan eh. Hindi ka tanga. Nagmamahal ka lang. Hindi kasalanan ‘yun. Applicable ito maske sa friendship. Hay. Sana lang ‘wag maabuso.

            Manhid… Ang paborito kong maskara. Akala niyo lang. Damang dama ko ang lahat. Kitang kita ko. Kaya hindi niyo kailangang sabihin sa akin ang lahat. Alam ko. Dahil hindi na ako bulag. Tandaan niyo yan.

            Hindi masarap magtagumpay kung walang sakit. Paano mo nga naman malalaman ang pakiramdam ng sarap kung wala kang pagkukumparahan nito na sakit, di ba? Madami pa tayong dapat lagpasan. Pero hindi dapat bigyan ng puwang ang takot sa ating mga puso. Huwag tayong magpabihag dito. Lumaya tayo. J

Leave a Reply